PENOMENOLOHIYA NG TAKOT


Edgar Calabia Samar

Dumadalas ang mga gabing
nakikipagtitigan ako sa kisame.

Marami na ang makatang tumula
tungkol sa pangungulila.
May ilang beses ko nang tinawanan
ang tungkol sa nanlalamig na buwan,
naghihingalong katahimikan
at iba pang tula ng pamamaalam.
Ngayon ko lamang lubusang naunawaan
kung paano nila nagagawang marinig
ang pinakamahinang pananaghoy ng mga aso
mula pa sa kabilang bahagi ng mundo
hanggang sa ang dalamhati niyon ay manuot
sa bawat galos ng kanilang buto.

Ngayong gabi’'y gusto kong manalinghaga.
Subalit sinisikil nitong bagsik ng pag-iisa
ang bawat salitang idinidikta
ng mahinang pag-ingit ng pinto sa kapitbahay, 
marahang pag-andar ng orasang walang-malay,
di-mapigilang panginginig ng aking kamay.

Inuusig ako ng mga agiw sa kisame.
Paano ko nga ba natitiis na hindi linisin
minsan man lamang ang kabahayan
sa tuwing ang lungkot ay tila nang-uuyam
at hindi ko namamalayan
ay unti-unti akong binabalot 
ng kawalang-pakialam?

Nakamamatay ang pag-iisa.
Tinuruan ako ng tamang paraan ng pakikisama
upang matakasan ang sumpa ng melankolya
subalit nakasulat na yatang talaga
ang ganitong uri ng tadhana sa pamilya.
Mahaba ang kasaysayan ng mga tiyahing
tumandang dalaga o iniwan ng asawa.
Nasa dugo na ng mga kalalakihan
ang maagang kamatayan ng nakasumpaan.
Hindi ko maitatatwa ang katotohanang
lumaki akong walang kinikilalang magulang.

May ilang beses kong tinangkang pagtaguan
ang kapalaran. Lumayo ako at nanirahan
sa kung saan-saan. Nagpapalit-palit ng trabaho.
Kinasama ang kung sinu-sino.

Subalit hanggang ngayon, 
nag-iisa pa rin ako sa silid ko.
Napupuno na ng agiw ang kisame,
dumarating na naman ang panibagong gabi,
nahihirapan na akong maglinis ng sarili.

CHINESE GARTER

Ito lamang ang larong iyong natutunan.
Nakakikilala ng hangganan ng goma
ang iyong mga paa. Alam kung kailan
kailangang hagkan ng talampakan
ang lastiko, at kung paano 
ang tamang paglundag sa ere
at walang-kaingay-ingay
na muling pagbagsak sa lupa.

May maipagyayabang ka nga.
Mahahaba kasi ang iyong binti
kaya matataas rin ang iyong talon.
Lagi na’y para kang nanghuhuli
ng bituin: hindi malaman
ng iyong mga kalaban 
kung kailan ka mapapagod 
o kung patitirahin mo pa ba sila.
Kayang-kaya mong kaibiganin ang hangin 
at kasundung-kasundo mo nga ang ere 
kapag pumapailanlang ka na rito.

Subalit hindi basta tinatalunan 
nga lamang ang pinagbuhol-buhol
na lastiko. Kailangang sanayin din
ang sarili sa pagbibilang ng puntos
sa pagitan ng paghabol sa hininga.
At dito ka napag-iiwanan.

Kung paanong nagiging karaniwan
para sa iyo ang pakikiulayaw sa goma,
unti-unting nagsasalastiko rin 
ang puso mo’t isip
nang hindi mo namamalayan:
habang tumatagal na pinaglalaruan
ay nababanat nang nababanat
hanggang halos marating na ang langit
subalit lagi’t laging naliligaw
sa pagtatangkang makabalik sa lupa.

kay Dom
 
Main
Next